Dingdong binuo ang grupong AKTOR: Ibalik ang kapangyarihan sa tunay na bida ng bansa



Mga larawan mula sa PEP at Badera Inquirer


Nagsama-sama ang ilang mga batiking artista para magsilbing boses umano ng mga taga showbiz industry sa mga mahahalagang isyu sa bansa.

Ang grupong AKTOR: League of Filipino Actors, ay binuo ni Dingdong Dantes para pagsama samahin ang mga local artists upang manindigan para sa kanilang kapakanan lalo na sa usaping freedom of expression.



Ayon sa grupo, nabuo ang AKTOR upang maging boses ng entertainment industry lalo na sa mga national issues tulad ng Anti-Terror Bill, ang ABS-CBN shutdown at ang mga guidelines sa pagsu-shooting mula sa Film and Development Council of the Philippines (FDCP).

Narito ang naging pahayag ng AKTOR na binasa ni Dingdong:

“Bakit ganu’n na lamang ang naging kalakaran? Ano ang mga ito? Ang mga ito ba ay sintomas ng mas malaking sakit na kasabay ng COVID-19?”

“Hindi maiwasang isipin na ang lahat ng mga nangyayari ay may layunin. Ang lahat ng mga utos na ito ay may layuning kontrolin ang daloy at esensya ng pagkwento.



“Ang mapigilan ang paghahayag ng mga tunay na kwento ng bayan. Ang lahat ng ito ay lumilikha ng kultura ng takot.

“Madalas itinuturing na lamang ang karamihan ng mga aktor na mga manika at tau-tauhan na panlibang at nagdudulot ng saya.

“Dala na din siguro ito ng maling pag-unawa sa totoong kalagayan ng mga aktor sa kabuuan. Tapusin na natin ang ganoong pananaw,”



"Tumitindig ang AKTOR ngayon bilang responsible at mahalagang bahagi ng lipunan at kinatawan ng industriya. Ipinapahayag namin ang mariing pagtutol sa anumang batas at kautusan na sumasagka sa aming malayang paglikha.

“Tinatanggihan namin ang anumang panghihimasok sa mga proseso ng industriya nang walang tunay na konsultasyon sa mga manggagawa nito.

“Iginigiit namin na dapat bukas at malaya ang anumang daluyan ng impormasyon at likhang sining para sa kapakanan ng higit na nakararami.

“Nananalig kami sa kakayahan ng malilikhang Pilipino na baguhin ang takbo ng kuwento, iparating sa mga ikinauukulan ang pinakanapapanahong sentimyento ng Pilipino na siyang dapat bigyang paunahing pansin, at ibalik ang kapangyarihan sa tunay na bida ng bansa —ang mamamayan,” Ayon pa sa Kapuso Primetime King.

Sa ngayon, ang mga kinilalang miyembro ng AKTOR ay sina: Agot Isidro, Janine Gutierrez,  Angelica Panganiban, Iza Calzado, Cherry Pie Picache, Gabbi Garcia, Gabby Eigenmann, Glaiza de Castro, Jasmine Curtis, Joel Torre at marami pang iba.


Post a Comment

0 Comments