Photos courtesy of GMA Network and Inquirer |
Sa palagay po ninyo? Mabibigyan ba ng bagong prangkisa ang ABS-CBN? Ayon sa article ng PEP, depende siguro kung sino ang tatanungin.
Halos hati ang opinyon ng sambayanang Pilipino sa Usapin ng pagbibigay ng prangkisa ng nasabing giant network sa bansa.
Ngunit kung si Deputy Speaker at SAGIP Partylist Representative Rodante Marcoleta ang ating tatanungin ukol sa isyung ito, ay kasagutan ay isang malaking hindi.
Ayon sa panayam sa live episode ng Pugad Bloggers ng DZRJ sa mambabatas kagabi, noong Hulyo 3, sinabi nito ang mga dahilan kung bakit hindi karapat-dapat makakuha ng bagong prangkisa mula sa Kongreso ang ABS-CBN.
Tinanong ang kongresista ng hosts na sina Mark Lopez at Fiscal Darwin Cañete kung ano ang mga kadahilanan sa nasabing episode ng naturang programa.
Muling iginiit ng SAGIP Partylist ang kanyang mga naunang pahayag sa pagdinig sa Kongreso tungkol sa franchise renewal ng ABS-CBN.
Ayon sa mambabatas, “Nahahati talaga sa tatlo, e."
“Unang-una, nilabag nila yung mahigpit na tuntunin ng Saligang Batas."
“Pangalawa, nilabag nila ang mga batas na may kinalaman sa pagpapatakbo nila ng prangkisa—yung mga labor laws, taxation laws, naging partisan sila, sa nilabag na maraming Comelec [Commission on Election] laws." anito.
“Pagkatapos, ang sarili nilang prangkisa, ay nilabag din nila." paliwanag ni Marcoleta.
“Kaya sa palagay namin, wala na sigurong puwang para bigyan pa sila ng panibagong prangkisa." Sinama na ni Marcoleta ang buong Kongreso sa kanyang paghayag.
“Ibibigay na lang ito…dun sa mga taong deserving, magsisilbi talaga sa ating mamamayan. At hindi tayo paiikutin kahit kailan.” dagdag pa nito.
Sa loob ng labing-isang araw na pagdinig sa Kongreso, maraming mga issues ang tinalakay at inungkat tungkol sa ABS-CBN.
Sa mga issues na naungkat, kabilang dito ang citizenship ng may-ari ng network na si Gabby Lopez III, ang labor practices, ang diumano'y hindi tamang pagbabayad ng buwis, ang paggamit ng Philippine Depositary Receipts (PDRs), at ang tungkol sa digital operations ng network gamit ang prangkisa ng AMCARA Broadcasting Network kahit bawal umano ito sa batas.
"Usufruct" pa nga ang terminong ginamit upang ilarawan ang mga ginawa ng Kapamilya network dagdag pa ni Marcoleta.
Ano nga ba ang usufruct? Ito ay ang tuluyang paggamit ng ibang mga pasilidad na parang ikaw na mismo ang nagmamay-ari at umaani ng ganansiya.
May kumalat na espekulasyon na baka magkaroon na ng botohan sa Kongreso ukol sa prangkisa ng ABS-CBN dahil na rin marahil umano sa pressure na nararanasan ng kongreso.
Kasunod nito ang malawakang social media campaign ng Kapamilya stars and personalities, kung saan pinakalat nila ang email address ng mga miyembro ng Committee on Legislative Franchises.
Nais ng mga personalidad na ito na kalampagin ng kanilang supporters ang mga mambabatas upang bigyan ang network ng panibagong franchise.
May nagsasabi pa nga na pagdating ng Lunes, July 6, baka raw i-railroad o madaliin ang botohan pabor sa istasyon. Ngunit magpasa-hanggang ngayon ay wala pa ring resulta ang hearing ng kongreso ukol sa bagong prangkisa na hinihiling ng pamunuan ng ABS-CBN.
Tanong naman ni Cong. Marcoleta sa nagsabi, “Sinong magri-railroad? Sila?”
Umabot din sa kaalaman ng mambabatas ang mga panawagan ng mga supporters ng ABS-CBN kung saan ay nananawagan ito ng pagkakaisa para sa prangkisa ng nasabing istasyon.
“Nanawagan nga sila. Mga bangko, kanilang mga advertising companies."
"Oo, alam ko. Ito ay katibayan lamang na talagang natataranta na ang ABS-CBN. Kumbaga, last-ditch effort."
“Kaya lang, ang ating mga mamamayan ang pinaglilingkuran, hindi lamang ako kundi mga kasama ko sa Kongreso.” ani Marcoleta.
Ang pagprepressure ay bagay na ipinagbabawal ng Saligang Batas at hindi rin daw ito makatarungan.
Dagdag pa ni Marcoleta, “Palagay ko, kapag nagpa-pressure sila, lantad naman sa taong bayan ang ginawa ng ABS-CBN."
“Maaaring magkaroon ng pananagutan ang mga kasama namin kapagka sila’y nagpa-pressure sa kanila. Kapagka kami, pinaikutan nila at kung halimbawa ito'y... itong pressure-pressure na ginawa nila, ito lang ay labag na sa batas ito, e.”
Binigyang diin ni Marcoleta na tila personal na ang galit, “Sino ba sila? Na ang isang institusyon kagaya ng Kongreso, isa sa tatlong bahagi na ng ating pamahalaan, pi-pressure-rin nila?"
“Palagay ko, nakatuon naman ang ating mga kababayan dito.”
Sinagot na ng mga executives ng network ang lahat ng mga paratang laban sa ABS-CBN at pinabulaanan din maging ng ilang ahensiya ng gobyerno.
May 4, napaso ang prangkisa ng ABS-CBN. May 5, ipinatigil ang operasyon ng TV at radio stations ng network saa buong bansa dahil sa cease and desist order ng National Telecommunications Commission (NTC).
Hindi kaila sa mamamayan na ang simula at katapusan ng problema sa prangkisa ng ABS-CBN ay ang galit sa Kapamilya network ni mismong Pangulong Rodrigo Duterte.
At alam din ng taumbayan na ang Lower House, gaya ng Upper House—bagama't tinatawag na independent branch of government—ay kasalukuyang dominado ng legislators na pro-Duterte.
0 Comments