Hinikayat ni Bise Presidente Leni Robredo si Department of Education Secretary Leonor Briones na pangalagaan at protektahan ang edukasyon mula sa pulitika.
Nagbigay si Robredo ng pahayag matapos ang naging pag puna ng DepEd sa 'community learning hubs' na proyekto naman ng Office of the Vice President (OVP) na umano'y ginagamit sa pagsasagawa ng limited na face-to-face na klase.
Matatandan na mahigpit na ipinagbabawal ni Pangulong Rodrigo Duterte ang face-to-face classes upang maiwasan ang pagkalat ng Covid.
Sa kanyang programa sa radyo na Biserbisyong Leni ng RMN Manila, iginiit ni Robredo walang nagaganap na face-to-face classes sa community learning hubs.
Ayon pa sa bise presidente, ang mga tutors lang umano ang mayroong learning hubs na may layuning matulungan ang mga batang nahihirapan sa online classes.
“Una, ini-insist nila na merong face-to-face classes yung community learning hubs, alam naman nila Ka Ely na wala. Wala tayong face-to-face classes kasi wala naman tayong teachers. Ang meron, tutors, na kung may batang nahihirapan, pwede siyang magpunta sa center para matulungan,” aniya
“Ang pinagsisilbihan natin dito yung mga bata, ang pinagsisilbihan natin dito yung mga teachers na nangangailangan ng tulong. Kasi yung sa’kin, totoo na bawal yung face-to-face classes kaya nga naghahanap tayo ng paraan para kahit walang face-to-face classes yung mga difficult learners matulungan,” dagdag pa ni Robredo
Sinabi pa ni Robredo na dapat ituring ni Briones na "boss" ang mga bata at guro na nangangailangan ng tulong at hindi si Pangulong Duterte.
Aniya pa, kahit si Duterte ang nag lagay sa kanya sa pwesto, mas dapat umano niyang ipagtanggol ang mga bata at guro na mas kailangan ng tulong.
“Kung meron dapat, i-insulate sa pulitika, education yun. Dapat yung boss ni Secretary Briones yung mga bata na kailangang matuto, yung mga teachers na kailangan ng tulong. Totoo na si presidente ang nag-appoint sa kanya pero sana naman ipagtanggol niya yung bata, yung mga teachers na nangangailangan ng tulong,” ayon sa bise presidente
“Hindi naman dito pwede ang blind obedience. Hindi dito pwede na yung ginagawa mo, ipi-please mo yung mga nakakataas sayo at the expense yung mga estudyanteng matutulungan,” pahayag pa niya sa kanyang programa.
0 Comments